Bumaba ng 47.69 porsiyento ang naitalang walong focus crimes sa Metro Manila kasunod ng pinaigting na kampanya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa kriminalidad. Batay sa datos noong Nobyembre 1–7, 2026, naitala ang 68 insidente kumpara sa 130 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, katumbas ng 62 insidenteng mas kaunti.
Iniuugnay ang pagbaba ng krimen sa mas pinaigting na implementasyon ng Enhanced Managing Police Operations (EMPO) sa ilalim ng pamumuno ni PBGen Christopher N. Abrahano, Acting Regional Director ng NCRPO. Kabilang sa mga krimeng nagtala ng malaking pagbaba ang rape na may 76.92 porsiyento, physical injuries na 64.29 porsiyento, theft na 42.59 porsiyento, murder na 33.33 porsiyento, motorcycle carnapping na 27.27 porsiyento, at robbery na 21.43 porsiyento. Wala ring naitalang insidente ng motor vehicle carnapping sa nasabing panahon.
Kasabay nito, umakyat sa 77.94 porsiyento ang Crime Solution Efficiency ng NCRPO, na may 12.56 percentage points na pagtaas. Nagsagawa rin ang kapulisan ng 503 operasyon laban sa iba’t ibang uri ng kriminalidad, kabilang ang 214 anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 273 suspek at pagkakasamsam ng mahigit Php5 milyon halaga ng ilegal na droga, kabilang ang shabu, marijuana at kush.
Nakapagtala rin ang NCRPO ng 310 naarestong wanted persons, na binubuo ng 136 Most Wanted Persons at 174 Other Wanted Persons. Samantala, 518 indibidwal ang naaresto sa 215 operasyon laban sa ilegal na sugal, habang 73 katao ang naaresto at 73 ilegal na baril ang nakumpiska sa 74 na operasyong nakatuon sa mga loose firearms.
Ayon kay PBGen Abrahano, “Hindi sapat na marami tayong nahuhuli. Ang mas mahalaga, kumokonti ang nabibiktima ng krimen. That is what EMPO must deliver—fewer crimes, safer streets, and results that Metro Manila residents can actually feel (Iyan ang layuning dapat matupad ng EMPO—mabawasan ang krimen, mapanatiling ligtas ang mga lansangan, at makapaghatid ng mga pagbabagong tunay na mararamdaman ng mga mamamayan).”
Patuloy namang hinihikayat ng NCRPO ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa pamamagitan ng pagiging mapagmatyag at agarang pagsumbong sa mga kahina-hinala o ilegal na gawain sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa pamamagitan ng 911. Kaakibat nito ang paninindigan ng PNP na isulong ang “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” upang matiyak ang mas ligtas na pamayanan at serbisyong tunay na nararamdaman ng bawat mamamayan.
Source: NCRPO (https://www.facebook.com/share/p/19RELKwthg/)

