Kalaboso ang apat na suspek ng Shoplifting sa isinagawang hot pursuit operations ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nito lamang Hulyo 25, 2025 sa Barangay Campo 7, Minglanilla, Cebu.
Ayon kay Police Brigadier General Romeo J Macapaz, Acting Director, CIDG, inaresto ang mga suspek dakong alas 3:30 ng hapon ng mga tauhan ng CIDG Cebu Provincial Field Unit katuwang ang Cebu Police Provincial Office (CPPO), na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek na kinilala bilang “Rafael,” “Noevie,” “Amy,” at “Jimmy.”
Lumalabas sa imbestigasyon na sangkot umano ang apat kabilang ang dalawa pang indibidwal sa insidente ng shoplifting/theft sa isang grocery store sa Poblacion 1, Malabuyoc, Cebu, noong July 22, 2025 bandang 7:45 ng gabi.
Nakuha umano ng mga suspek ang tatlong kahon ng Winston cigarettes na nagkakahalaga ng Php240,000.
Matapos magviral ang naturang pagnanakaw, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga kapulisan kaugnay sa mga suspek at napag-alamang may nakabinbin pang Warrant of Arrest ang mga ito sa parehong kaso.
Tatlo sa apat na naaresto ang tinaguriang Provincial Most Wanted Person sa mga lalawigan ng Iloilo at Bohol, at Municipal Most Wanted Persons sa Iloilo City at Silay City sa lalawigan ng Negros Occidental.
“I commend the CIDG Cebu Provincial Field Unit for their swift and responsive police action that resulted in the successful arrest of these four suspects, all at once. This is remarkable. It underscores your commitment to pursuing criminals and fugitives. Maraming salamat sa inyo,” saad pa ni PBGen Macapaz.
Samantala, tiniyak naman ni PBGen Macapaz na hindi sila titigil at mas papaigtingin pa nila ang pagtugis sa lahat ng mga wanted individuals sa bansa. Aniya, “We are CIDG; we will act on the difficult task immediately.”



