Ilegal na baril at mga bala, nasabat mula sa isang magsasaka sa Sultan Kudarat

0
1085

Nasabat mula sa isang magsasaka sa bisa ng search warrant ang mga baril at bala nito lamang Hulyo 26, 2025 bandang 6:00 ng umaga sa Barangay Impao, Isulan, Sultan Kudarat.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Julius R Malcontento, Chief of Police, Isulan Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Sansaluna”, 60 taong gulang, may asawa, at residente ng naturang lugar.

Isinagawa ng pinagsamang puwersa mula sa Isulan Municipal Police Station bilang lead unit, kasama ang 1st Sultan Kudarat Provincial Mobile Force Company, Sultan Kudarat Provincial Drug Enforcement Unit, Sultan Kudarat Provincial Intelligence Unit, at 1202nd Mobile Company ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB).

Nakumpiska sa suspek ang isang unit ng 12-gauge shotgun rifle na walang serial number, isang unit ng caliber .38 revolver, walang serial number, tatlong piraso ng 12-gauge live ammunition, tatlong piraso ng caliber .38 live ammunition, na nakalagay sa loob ng silindro ng revolver.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Iginiit ng mga awtoridad ang kanilang paninindigan sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa komunidad. Hinikayat rin nito ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad na maaaring magdulot ng banta sa kaligtasan ng nakararami.

Panulat ni Pat Ara Casandra Concon