Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng police-community partnership at serbisyong pangkomunidad, nakiisa ang 2nd Palawan PMFC sa isinagawang “Rotary Cares, Communities Thrive” Medical, Optical and Dental Mission sa Brgy. VI Johnson Island, Roxas, Palawan, noong Agosto 29, 2026.
Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Rotary Club of Roxas sa pangunguna ni Mr. Renon Piccio, President, katuwang ang iba’t ibang ahensya, organisasyon at pribadong sektor na nagkaisa upang makapaghatid ng libreng serbisyo sa mga residente ng nasabing barangay.
Sa isinagawang outreach activity, nabigyan ang mga residente ng pagkakataong makatanggap ng iba’t ibang libreng serbisyo, kabilang ang medical check-up, libreng gamot, dental services, optical services, tuli, at gupit.
Nakiisa sa naturang programa ang 2nd Palawan PMFC, katuwang ang Roxas Medicare Hospital, Local Government Unit (LGU) of Roxas sa pamumuno ni Hon. Pedy B. Sabando, Municipal Mayor, Rotaract Club of Roxas, PGBI-Roxas Casuy, Del Rosario Optical Clinic, Sambuton Trading, at ang Palawan PMDT sa pangunguna ni PCpt Jay C Bonales, Team Leader/Dental Officer.
Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga katuwang na grupo, naihatid ang mga pangunahing serbisyong pangkalusugan at personal care services nang libre sa mga residente. Naging katuwang din ang kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa lugar habang aktibong nakikibahagi sa paghahatid ng serbisyo sa komunidad.
Binigyang-diin ng 2nd Palawan PMFC ang kahalagahan ng bayanihan at inter-agency collaboration sa pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa mga komunidad na nangangailangan ng karagdagang suporta at serbisyo alinsunod sa mantra na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
“Ang serbisyo publiko ay mas nagiging makabuluhan kapag sama-sama tayong kumikilos para sa kapakanan ng ating mga kababayan. Nagpapasalamat tayo sa Rotary Club of Roxas at sa lahat ng katuwang na organisasyon na patuloy na nagbibigay ng kanilang panahon, kaalaman at serbisyo para sa ating mga komunidad,” ani PLtCol Roel A Tattao, Force Commander ng 2nd Palawan PMFC.
Patuloy na makikiisa ang 2nd Palawan PMFC sa mga community outreach programs at iba pang collaborative initiatives bilang bahagi ng kanilang commitment sa public service, community partnership at pagpapanatili ng ligtas at maunlad na pamayanan.
Source: https://www.facebook.com/share/p/1V4VDEbbcr/?mibextid=wwXIfr



