Bilang bahagi ng patuloy na kampanya para sa kaligtasan at wastong paggabay sa mga kabataan, matagumpay na isinagawa ng 2nd La Union Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang programang Oplan BES (Bisita Eskwela – I Am STRONG) sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan noong Nobyembre 18, 2025.
Layunin ng inisyatibang ito na mapalakas ang kaalaman at tiwala sa sarili ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagtuturo ng kanilang mga karapatan bilang bata, tamang pag-iwas sa pang-aabuso at pagsasamantala, at paghuhubog ng mga positibong asal batay sa mga halagang S.T.R.O.N.G. — Smart, Talented, Responsible, Obedient, Nice, and God-fearing.
Kabilang sa mga aktibidad ang pagbibigay ng Anti-Bullying Lecture upang maturuan ang mga estudyante kung paano protektahan ang kanilang sarili, kilalanin ang mga anyo ng bullying, at kung saan maaaring humingi ng tulong.

Bahagi rin ito ng adbokasiya ng yunit na isulong ang child safety at hikayatin ang kabataan na maging aktibong katuwang sa crime prevention.
Ang programa ay isinagawa bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng 33rd National Children’s Month, na may temang: “OSAEC-CSAEM Wakasan: Kaligtasan at Karapatan ng Bata, Ipaglaban!”
Patuloy namang nagpahayag ng suporta ang pamunuan ng 2nd La Union PMFC sa mga programang naglalayong protektahan ang kabataan, bilang paghahanda sa paghubog ng mas ligtas at mas responsableng komunidad sa hinaharap.



