PRO 6, mas pinaigting ang seguridad sa gitna ng sunod-sunod na bomb threat sa Western Visayas

0
962

Patuloy na tinutugunan ng Police Regional Office 6 (PRO 6) ang serye ng bomb threat na ipinadala sa iba’t ibang paaralan sa rehiyon ng Western Visayas nitong nakalipas na tatlong araw, na nagdulot ng inspeksyon, pansamantalang pagkaantala ng klase, at pagtaas ng antas ng seguridad.

Ayon sa pulisya, wala pang anumang explosives ang natagpuan sa alinman sa mga iniulat na lugar.

Sinabi pa ni Police Brigadier General Josefino D Ligan, Regional Director ng PRO 6, nito lamang Miyerkules, ika-19 ng Nobyembre 2025, na ang mga insidente ay malinaw na tangkang “magtanim ng takot at guluhin ang kaayusan”.

Dagdag pa niya kasalukuyan silang nakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, mga paaralan, National Telecommunications Commission–Western Visayas, at Department of Information and Communications Technology–Western Visayas upang matukoy ang pinagmulan ng mga banta at patatagin ang kanilang mga hakbang sa pagtugon laban dito.

“The safety of our students and communities remains our top priority,” aniya ni PBGen Ligan.

Ipinabatid ng PRO 6 na ang Regional Explosive Canine Unit ay buong pwersang naka-deploy sa mga apektadong paaralan mula nang matanggap ang unang ulat upang magsagawa ng clearing operations at safety checks.

Nagkaroon na rin ng sunod-sunod na coordination meetings habang patuloy ang mga imbestigador sa pagtutok sa mga posibleng lead na maaaring magturo sa kung sino ang nasa likod ng mga banta.

Pinangunahan din ni PBGen Ligan ang isang small group meeting para mas pagtibayin ang mga operational strategies, habang nakatakda namang magsagawa ng specialized bomb threat awareness orientations ang Regional Explosive Canine Unit 6 para sa mga school security manager upang mapaigting ang kahandaan ng mga institusyon.

Hinimok ng pulisya ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, at pinaalalahanan ang mga paaralan na palakasin ang kanilang internal security at panatilihin ang malapit na koordinasyon sa mga awtoridad.

Muling nagpaalala ang PRO 6 na ang pagpapakalat ng bomb threat ay isang mabigat na krimen na may katapat na hanggang limang taon na pagkabilanggo, na may multang hanggang Php40,000.

Tiniyak din ng PRO 6 na magpapatuloy ito sa pagpapatupad ng mga kinakailangang hakbang upang mapanatili ang seguridad sa buong Western Visayas.

Kasabay nito, tumugon na rin ang Iloilo City at Provincial Governments sa mga nagdaang banta na nagdulot ng suspensyon ng klase at agarang aksyon mula sa pulisya at mga opisyal ng paaralan.

Nag-alok na rin ng Php200,000 na pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa mga responsable sa mga naturang bomb threat.

Sa kabuuan, muling iginiit ng PRO 6 na patuloy nitong poprotektahan ang publiko at titiyaking nananatiling ligtas ang rehiyon sa kabila ng mga pagtatangkang guluhin ang kapayapaan, alinsunod sa kanilang adhikain na Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.

Source: Sunstar. com

Panulat ni Pat Justine Mae Jallores