21,642 pulis, itinalaga ng NCRPO para sa seguridad ng SONA 2026

0
68

Nagtalaga ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng 21,642 na pulis upang tiyakin ang ligtas at mapayapang pagdaraos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026. Isinagawa ang send-off ceremony noong Hulyo 24 sa Camp PMGEN Tomas B. Karingal sa Quezon City sa pangunguna ni NCRPO Regional Director PMGEN Anthony A. Aberin at PMGEN Wilson Joseph F. Lopez, Officer-in-Charge ng Office of the Deputy Chief PNP for Operations.

Binubuo ang security force ng mga tauhan mula sa NCRPO at iba pang yunit ng Philippine National Police, kabilang ang Special Action Force (SAF), Police Regional Office 1, PRO Cordillera, PRO 3, at PRO 4B. Layunin ng deployment na mapanatili ang kaayusan at seguridad sa Batasang Pambansa kung saan gaganapin ang SONA.

Noong Hulyo 25, nagsagawa si PMGEN Aberin ng inspeksyon sa mga lugar na pagdarausan ng security operations sa paligid ng Batasang Pambansa. Sinuri nila ang deployment ng mga pulis, mga ruta ng pagresponde, communication systems, at koordinasyon ng iba’t ibang yunit upang matiyak ang kahandaan ng mga ito.

Ayon kay PMGen Aberin, inatasan ang lahat ng mga pulis na maging disiplinado, propesyonal, at igalang ang karapatang pantao habang isinasagawa ang kanilang tungkulin. Mahigpit ding ipatutupad ang Police Operational Procedures at maximum tolerance sa pakikitungo sa publiko.

Nanawagan din ang NCRPO sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ipatutupad na traffic advisories at iba pang security measures sa panahon ng SONA.

Hinikayat din ang mga mamamayan na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa Unified 911 emergency hotline ang anumang kahina-hinalang aktibidad o insidente upang makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa araw ng SONA.

Leave a Reply