PRO1 isinailalim sa full alert ang Ilocos Region kaugnay ng ika-5 SONA ng Pangulo

0
65

Isinailalim ng Police Regional Office 1 (PRO1) sa full alert status ang lahat ng yunit ng pulisya sa buong Ilocos Region bilang paghahanda sa ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gaganapin sa Lunes, Hulyo 27, 2026.

Nagsimula ang full alert status alas-5:00 ng hapon noong Hulyo 24 upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang kaayusan, at maiwasan ang anumang banta sa seguridad bago at habang isinasagawa ang taunang pag-uulat ng Pangulo.

Bilang bahagi ng seguridad ng Philippine National Police (PNP), nagpadala ang PRO1 ng mahigit 1,000 Civil Disturbance Management (CDM) at support personnel sa National Capital Region upang tumulong sa pagpapatupad ng seguridad. Inilagay din sa kahandaan ang Regional Reactionary Standby Support Force (RRSSF) para sa agarang pagtugon sa anumang emerhensiya.

Pinaigting din ng mga yunit ng pulisya sa rehiyon ang police visibility, intelligence monitoring, checkpoint operations, at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies upang matiyak ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng SONA.

Ayon kay PBGen Jovencio S. Badua Jr., Regional Director ng PRO1, ganap na nakahanda ang buong hanay ng pulisya sa rehiyon na tumugon sa anumang sitwasyon.

Hinimok din ng PRO1 ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa mga opisyal na emergency hotline ang anumang kahina-hinalang tao, kakaibang aktibidad, o mga naiwang gamit upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad.         

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source: PIO, PRO1

Leave a Reply