Nasakote ang dalawang indibidwal matapos magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng San Ildefonso Municipal Police Station bandang 11:00 ng gabi noong Mayo 18, 2026 sa Brgy. Calasag, San Ildefonso, Bulacan.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Gilmore A Wasin, Chief of Police ng San Ildefonso MPS, ang mga suspek na sina alias “Muyok,” 47 taong gulang, residente ng Angat, Bulacan, at alias “Allan,” 33 taong gulang, residente ng Muñoz, Nueva Ecija.
Sa operasyon, matagumpay na nabili ng undercover na awtoridad ang isang sachet ng hinihinalang shabu gamit ang isang pirasong buy-bust money na nagkakahalaga ng Php500. Sa isinagawang pag-aresto at body search, nakumpiska mula sa mga suspek ang kabuuang 14 na piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 10 gramo at may Standard Drug Price na Php68,000.
Narekober din mula kay alias “Muyok” ang isang kalibre .22 revolver na walang serial number, may trademark na “Black Widow,” at loaded ng apat (4) na live ammunition. Kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26, Article II ng RA 9165 at paglabag sa RA 10591 ang kakaharapin ng mga suspek.
Binigyang-diin ni Police Colonel Jay B. Baybayan, Officer-In-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, na patuloy ang mas pinaigting na kampanya ng Bulacan PPO laban sa ilegal na droga at loose firearms upang matiyak ang kaligtasan ng mamamayan at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan ng Bulacan na nakasentro sa serbisyo publiko sa “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman.”



