2 CTG, nasawi sa Joint Security Combat Operation ng PNP at AFP CamSur

0
303

Dalawang hinihinalang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) ang nasawi matapos makasagupa ang kapulisan at kasundaluhan sa isinagawang joint security combat operation bandang alas-5:10 ng madaling-araw noong Hunyo 6, 2026 sa Brgy. Cagaycay, Goa, Camarines Sur.

Kinilala ang mga nasawing rebelde sa alyas na “Errol/Manuel/Maria,” Team Leader ng Squad 3, Platoon 1, KLG1, SRC2 at kabilang sa 1st Quarter Periodic Status Report on Local Terrorist Group (PSRLTG) noong 2024, at si alyas “Richard,” miyembro ng Squad 1, Platoon 1, KLG1, SRC2 at kabilang sa Watchlisted Personality Status Report (WPSR) noong 2025.

Batay sa ulat, nagsasagawa ng joint combat strike operation ang tropa ng 83rd Infantry Battalion sa pamumuno ni 1LT Barrera kasama ang isang team ng 2nd PMFC, Camarines Sur Police Provincial Office, na sinuportahan ng 97th Military Intelligence Company, Provincial Intelligence Unit-CSPPO, at Goa Municipal Police Station nang makaengkuwentro nila ang tinatayang labindalawang armadong rebelde sa nasabing lugar.

Tumagal ng humigit-kumulang 15 minuto ang palitan ng putok na nagresulta sa pagkasawi ng dalawang rebelde at pagkakarekober ng isang M16 rifle at isang Galil rifle. Wala namang naitalang casualty sa panig ng pamahalaan.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operations ang mga awtoridad, kabilang na ang paghingi ng SOCO assistance, pagpapatupad ng checkpoints at chokepoints sa mga karatig-barangay, at gayundin ang mahigpit na monitoring sa mga ospital at klinika para sa posibleng mga sugatang rebelde.

Inatasan din ng Camarines Sur PPO ang mga kalapit na Municipal Police Stations na paigtingin ang kanilang security operations upang matiyak na walang makakatakas na kasapi ng armadong grupo.

Samantala, pinuri naman ni PCol Virgilio O Olalia, Jr., Provincial Director ng Camarines Sur Police Provincial Office, ang matagumpay na koordinasyon ng AFP at PNP sa operasyon.

Aniya, “Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng matatag na koordinasyon at dedikasyon ng ating security forces upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Camarines Sur. Patuloy nating paiigtingin ang ating kampanya laban sa armadong grupo alinsunod sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.” tungo sa mas ligtas at mapayapang komunidad.”

Leave a Reply