2 arestado sa drug buy-bust operations sa Iloilo; Php1.59M halaga ng hinihinalang shabu, nasamsam

0
53
Screenshot

Dalawang drug personalities ang naaresto ng Police Regional Office 6 (PRO6), habang humigit-kumulang 235 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang Standard Drug Price na PhP1,598,000.00 ang nasamsam sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Barotac Nuevo at Oton, Iloilo, noong Agosto 14, 2026.

Dakong 5:45 ng hapon, naaresto ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) Team 2 ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO), katuwang ang PDEA 6, Barotac Nuevo Municipal Police Station (MPS), at Provincial Intelligence Unit, si alyas “Dave,” 24 taong gulang, binata, walang trabaho, at residente ng Barangay Bungca, Barotac Nuevo.

Narekober mula sa kanya ang humigit-kumulang 105 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na PhP714,000.00, buy-bust money, at iba pang non-drug items. Ayon sa imbestigasyon, umano’y nagbebenta ang suspek ng ilegal na droga sa Barotac Nuevo, Anilao, at Dumangas.

Samantala, sa Bry Buray, Oton, dakong 8:32 ng gabi, naaresto ng Oton MPS, katuwang ang PDEU Team 1 at Provincial Intelligence Unit ng IPPO, si alyas “Mariken,” 40 taong gulang, binata, isang job order worker at residente ng nasabing barangay.

Nasamsam sa operasyon ang humigit-kumulang 130 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na PhP884,000.00, buy-bust money, at iba pang non-drug items.

Naging matagumpay ang dalawang operasyon dahil sa impormasyong ibinahagi ng mga nagmamalasakit na miyembro ng komunidad, na sinundan ng masusing intelligence monitoring, validation, at surveillance ng mga operating unit.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Barotac Nuevo MPS at Oton MPS ang mga naarestong suspek para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa ilalim ng Republic Act No. 9165.

Pinasalamatan ng PRO6 sa pamumuno ni Police Brigadier General Randulf T Tuaño, Regional Director ang mga nagmamalasakit na miyembro ng komunidad na nagbahagi ng impormasyon at hinikayat ang publiko na patuloy na magbigay ng napapanahon at mapagkakatiwalaang impormasyon tungkol sa ilegal na droga at iba pang krimen.

Tiniyak ng PRO6 na mananatiling maigting ang intelligence-driven operations nito bilang bahagi ng kampanya ng “Bagong PNP para da Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdan.”

Leave a Reply