193 peace advocates, tumanggap ng tulong sa ilalim ng “Handog Pag-asa Program” ng 2nd CPMFC

0
52

Nakatanggap ng tulong pinansyal at pangkabuhayan ang 193 peace advocates mula sa iba’t ibang bayan ng Cagayan sa isinagawang “Handog Pag-asa: Ceremonial Assistance to 193 Peace Advocates for Peacebuilding and Community Transformation” noong Hunyo 9, 2026 sa Barangay Curva, Pamplona, Cagayan.

Pinangunahan ng 2nd Cagayan Provincial Mobile Force Company (2nd CPMFC) ng Police Regional Office 2 (PRO2) ang nasabing programa, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Agriculture (DA), National Anti-Poverty Commission (NAPC), at iba pang partner agencies upang higit pang palakasin ang mga inisyatibang nakatuon sa kapayapaan, kaunlaran, at pagbabago sa mga komunidad.

Sa programa, tumanggap ang bawat peace advocate ng tig-Php10,000 na financial assistance mula sa DSWD at mga vegetable seeds mula sa DA bilang suporta sa kanilang kabuhayan. Naging panauhing pandangal at tagapagsalita si NAPC Secretary Lope B. Santos III, na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor, at mga programang nakatuon sa pagpapabuti ng kabuhayan at kalidad ng buhay ng mga mamamayan.

Dumalo rin sa aktibidad si PBGen Mariano C. Rodriguez, Acting Regional Director ng PRO2, na nagpahayag ng patuloy na suporta ng Philippine National Police sa mga programang nagtataguyod ng kapayapaan, pagkakaisa, at pangmatagalang pag-unlad sa mga komunidad.

Patuloy ang Valley Cops sa pagpapatupad ng mga programang nagbibigay ng oportunidad at suporta sa mga peace advocates bilang bahagi ng pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran, alinsunod sa adhikain ng Bagong PNP na maghatid ng serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman ng mamamayan sa buong Lambak ng Cagayan.

Source: Police Regional Office 2

Leave a Reply