Kinilala ang 12 himpilan ng Cagayan Police Provincial Office (PPO), sa ilalim ng pamumuno ni PCol Mardito G. Anguluan, na kabilang sa mga Best Performing Police Stations sa buong rehiyon sa isinagawang Regional Enhanced Managing Police Operations (EMPO). Ipinakita ng pagkilalang ito ang kanilang kahusayan sa serbisyo at dedikasyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Bilang bahagi ng patuloy na pagpapahusay sa operasyon ng pulisya, pinangunahan ni PCol Anguluan, kasama si PLtCol Ramon M. Macarubbo Jr., Deputy Provincial Director for Operations, ang Provincial EMPO Meeting kasama ang mga hepe ng city at municipal police stations noong Oktubre 22, 2026, sa Cagayan Multi-Purpose Hall, Camp Tirso H. Gador, Tuguegarao City.
Tinalakay sa pulong ang mga estratehiya at hakbang upang higit pang mapalakas ang mga operasyon at mapahusay ang pagpapatupad ng mga programang kontra-kriminalidad sa lalawigan. Layunin nitong mapanatili ang mataas na antas ng pagganap ng bawat himpilan at matiyak ang maagap at epektibong pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad.
Ayon kay PCol Anguluan, patuloy na isusulong ng Cagayan PPO ang kahusayan sa serbisyo, matatag na ugnayan sa komunidad, at sama-samang pagkilos upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga mamamayan, alinsunod sa adhikain ng Pambansang Pulisya na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Cagayan PPO (https://www.facebook.com/share/p/1bZLrXsZhn/?mibextid=wwXIfr)

