106 Most Wanted Persons, arestado sa 7-Day operations ng PRO5

0
512

Sa patuloy na pagpapaigting ng kampanya laban sa mga puganteng may pananagutan sa batas, umabot sa 106 Most Wanted Persons ang matagumpay na naaresto ng Police Regional Office (PRO) 5 sa loob ng isang linggo, mula Nobyembre 17 hanggang 23, 2025.

Kinumpirma ni PBGen Nestor Babagay Jr., Director ng PRO5, ang ulat na kabilang sa mga naaresto ang isang MWP sa Regional Level, dalawa sa Provincial Level, 13 sa Municipal Level, at 90 MWPs naman sa Local Level.

Paglalahad pa ni PBGen Babagay, ang Wanted Person sa Regional Level na si alyas “Julius” ay naaresto sa Barangay Baclaran, Parañaque City sa pagtutulungan ng mga operatiba ng Basud Municipal Police Station, Camarines Norte Provincial Police, at ng Criminal Investigation and Detection Group provincial office.

Ang nasabing regional MWP ay nahaharap sa kasong six counts of Qualified Statutory Rape, one count of Attempted Qualified Statutory Rape na may itinakdang piyansang Php120,000, at one count of Qualified Statutory Rape by Sexual Assault na may inirekomendang piyansa na Php200,000.

Ang matagumpay na mga operasyon ay resulta ng hindi natitinag na pagsusumikap ng mga kapulisan sa Bicol na siguruhin ang kaligtasan at kaayusan ng buong rehiyon.

“This achievement highlights the unwavering commitment of our men and women in uniform. We continue to pursue criminals with precision and determination to protect every community in Bicol,” ani PBGen Babagay.

Source: https://www.pna.gov.ph/articles/1264023