Matagumpay na nagsagawa ng “Libreng Binyagan sa Barangay” ang mga tauhan ng Masbate 1st PMFC/R-PSB Team Tagbon sa pangunguna ni PSSg Jose A Pacheco, Team Leader, katuwang ang LGU Milagros at BLGU Tagbon sa pamumuno ni Hon. Edna B. Azares, Barangay Chairwoman kamakailan lamang.
Idinaos ang aktibidad sa Tagbon Chapel kung saan walong bata ang tinanggap sa pananampalatayang Kristiyano sa pamamagitan ng Banal na Sakramento ng Binyag na pinangunahan ni Fr. Manolo Martinez kasabay ng pagdaraos ng Banal na Misa.
Layunin ng aktibidad na matulungan ang mga pamilya sa paggabay sa kanilang mga anak tungo sa mabuting pananampalataya at pamumuhay ayon sa aral ng Panginoon. Lubos ding pinuri ng komunidad ang pagsisikap ng R-PSB Team Tagbon sa pagbibigay-suporta at pagsusulong ng pagkakaisa at espiritwal na kapakanan ng mamamayan.
Bahagi rin ang gawaing ito ng pagtugon sa isa sa mga natukoy na pangalawang suliranin at pangangailangan sa isinagawang Needs Assessment Survey (NAS).
Nagkaisa naman ang mga awtoridad at residente sa lugar na ipagpatuloy ang pagtutulungan upang maisulong ang isang mapayapa at maunlad na komunidad alinsunod sa kampanya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”



