Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa nito lamang May 1, 2026, nagsagawa ang Daraga Municipal Police Station ng isang masiglang Zumba activity sa Daraga Park, San Roque, Daraga, Albay bilang handog sa mga dakilang manggagawa sa komunidad.
Nilahukan ang naturang aktibidad ng mga manggagawa mula sa iba’t ibang sektor, kung saan binibigyang-diin nito ang pagpapalaganap ng kalusugan at aktibong pamumuhay. Sa pamamagitan ng sabayang sayaw at ehersisyo, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kalahok na makapag-relax, makapagpalakas ng pangangatawan, at higit pang mapalalim ang samahan sa isa’t isa.
“Ang aming pa-Zumba ay ang aming paraan ng pagkilala sa mahalagang papel ng mga manggagawa sa lipunan, kasabay ng pagsusulong ng kanilang pangkalahatang kalusugan at kapakanan,” saad pa ni PLtCol Mary Grace Tagtag, Chief of Police.
Ang aktibidad ay nakaangkla naman sa adbokasiyang serbisyong Nararapat, Organisado, Epektibo at Laging maaasahan o (NOEL) ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay PPO, na nagpapakita ng patuloy na malasakit at suporta ng kapulisan sa komunidad, hindi lamang sa pagpapanatili ng kaayusan kundi pati sa pagtataguyod ng wellness at pagkakaisa. Kasunod nito ang paghahatid ng serbisyong NOEL.



