Wanted Person sa kasong murder, arestado ng Libon MPS matapos ang 19 taong pagtatago sa Libon, Albay

0
17

Matapos ang halos 19-taong pagtatago, tuluyan nang naaresto ng mga awtoridad ang isang lalaking wanted sa kasong murder sa isinagawang manhunt operation sa Libon, Albay.

Bandang alas-4:30 ng hapon noong Agosto 1, 2026, ikinasa ng mga tauhan ng Libon Municipal Police Station (MPS), sa direktang superbisyon ni PMaj Christian I. Brual, Acting Chief of Police, ang Manhunt Charlie Operation sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte noong Disyembre 27, 2007. Walang inirekomendang piyansa para sa nasabing kaso.

Kinilala ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director ng Albay Police Provincial Office, ang naarestong suspek na si alyas “Noy,” nasa hustong gulang at residente ng Libon, Albay. Hindi na ito nakapalag nang maabutan ng mga operatiba at maihatid sa kanya ang matagal nang nakabinbing warrant of arrest.

Kasalukuyang nakadetine si alyas “Noy” sa custodial facility ng Libon Municipal Police Station habang hinihintay ang commitment order mula sa korte. Ayon sa pulisya, ang matagumpay na operasyon ay resulta ng masusing imbestigasyon, matiyagang pagtutok ng mga operatiba, at patuloy na pakikipagtulungan ng komunidad sa pagpapatupad ng batas.

Binigyang-diin ni Police Colonel Nuñez na ang pagkakaaresto sa akusado ay patunay na walang sinuman ang makatatakas sa pananagutan sa batas, gaano man katagal ang lumipas na panahon. Aniya, “Ang tagumpay na ito ay bunga ng masusing imbestigasyon, matiyagang pagtutok ng ating mga operatiba, at matibay na ugnayan sa mamamayan.” Kasabay nito, muli niyang tiniyak na mananatiling pursigido ang Albay PPO sa pagtugis sa mga wanted person at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: https://www.facebook.com/share/p/1EbQwks1ut/

Panulat ni: PCpl Doxie Charesse C Casasos

Leave a Reply