Wanted Person sa kasong child abuse sa Palawan, arestado ng PNP sa Libon, Albay

0
231
Screenshot

Patuloy na pinaiigting ng Albay Police Provincial Office (PPO) ang kampanya nito laban sa mga wanted person matapos matagumpay na maaresto ang isang suspek na nahaharap sa kasong child abuse sa isinagawang manhunt operation bandang 10:00 ng umaga noong Nobyembre 7, 2026, sa Brgy. Zone 4, Libon, Albay.

Ayon sa ulat, pinangunahan ng mga operatiba ng Libon Municipal Police Station (MPS), sa direktang superbisyon ni PMaj Genevieve O Oserin, Officer-in-Charge, katuwang ang mga tauhan ng San Vicente MPS ng Palawan, ang pag-aresto sa suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng korte sa Taytay, Palawan. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5(B) ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na may inirekomendang piyansang nagkakahalaga ng Php200,000.

Kinilala ang akusado sa alyas na “Ricky,” 37 anyos, may asawa, isang construction worker, residente ng San Vicente, Palawan, at kasalukuyang naninirahan sa Daraga, Albay.

Bahagi ang matagumpay na operasyon ng pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa mga indibidwal na nagtatangkang umiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pagtatago sa ibang lugar. Sa ilalim ng adbokasiyang Serbisyong NOEL, patuloy na isinusulong ng Albay KaSuRog Cops, sa pamumuno ni PCol Noel Donato Nuñez, Provincial Director, ang mas pinaigting na manhunt operations at pakikipag-ugnayan sa iba pang police units upang matiyak na matutunton at maaaresto ang mga wanted person.

Matapos ang pag-aresto, agad dinala ang suspek sa Libon Municipal Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon alinsunod sa mga umiiral na batas at pamamaraan.

Muli namang pinagtitibay ng Albay PPO ang kanilang paninindigan na walang lugar ang mga nagtatangkang umiwas sa batas, kasabay ng patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, katarungan, at higit sa lahat, ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga bata at ng lahat ng mamamayan alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Source: https://www.facebook.com/share/p/19xw3vYX9i/

Leave a Reply