Walong dating miyembro ng CFO, nabigyan ng Livelihood Assistance ng RMFB1

0
220

Bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng kapayapaan at inklusibong kaunlaran, walong dating miyembro ng Communist Front Organization (CFO) ang tumanggap ng tulong pangkabuhayan sa pamamagitan ng goat-raising project sa isinagawang Department of Labor and Employment (DOLE) Integrated Livelihood Awarding Ceremony noong Nobyembre 16, 2026, sa Municipal Hall ng Naguilian, La Union.

Pinangunahan ng PNP Technical Support Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (TSC-RMFB1), sa pakikipagtulungan sa DOLE Region 1, ang pagbibigay ng livelihood assistance na naglalayong mabigyan ang mga benepisyaryo ng oportunidad na magkaroon ng marangal at sustenableng pagkakakitaan.

Nagsimula ang inisyatibang ito sa ilalim ng pamumuno ng dating TSC Company Commander na si PMaj Reynante G Bibat, kung saan isinagawa ang profiling at assessment sa mga posibleng benepisyaryo upang matiyak ang kanilang kwalipikasyon sa programa.

Dinaluhan ang seremonya ng mga tauhan ng TSC na pinangunahan ni PLt Xien Lei Buyuccan at mga tauhan ng Battalion Headquarters sa pangunguna ni PLtCol Demosthenes P Magnaan, Deputy Force Commander, na kumatawan kay PCol Fidel De Guzman Junio, Force Commander.

Nakiisa rin sa aktibidad si Hon. Nieri T. Flores, Municipal Mayor ng Naguilian, at Dir. Honorina Dian-Baga, Regional Director ng DOLE Region 1, kasama ang mga kinatawan ng Public Employment Service Office (PESO).

Sa ilalim ng pamumuno ni PMaj Ariel V Saltin, Acting Company Commander, patuloy na pinagtitibay ng TSC-RMFB1 ang pakikipagtulungan sa mga ahensiya ng pamahalaan upang makapaghatid ng makabuluhang programang pangkabuhayan na nagtataguyod ng pagbangon sa ekonomiya, pagbabalik-loob sa komunidad at pangmatagalang kapayapaan.

Sa pamamagitan ng mga programang tulad nito, higit na nabibigyang-diin na ang pagsusulong ng kapayapaan ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng seguridad kundi maging sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga indibidwal na magkaroon ng panibagong simula at makibahagi sa pag-unlad ng kanilang mga pamayanan.

Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan

Source RMFB 1 https://www.facebook.com/share/p/1AHbwb6TZB/

Leave a Reply