Matagumpay na isinagawa ang Turn-Over of Office Ceremony para sa limang Municipal Police Stations sa Cagayan sa pamumuno ni Police Colonel Mardito G. Anguluan, Provincial Director ng Cagayan Police Provincial Office (PPO), na ginanap sa Camp Tirso H Gador, Cagayan Police Provincial Office, Tuguegarao City, Cagayan noong ika-3 ng Setyembre 2025.
Ang makabuluhang seremonya ay nagbigay-pugay sa mga outgoing Chiefs of Police na buong pusong nag-alay ng kanilang oras, husay, at dedikasyon upang tiyakin ang kaligtasan at kapayapaan sa kani-kanilang nasasakupan. Bagama’t nagtatapos ang kanilang termino sa mga istasyon, mananatili namang nakaukit ang kanilang naiambag bilang bahagi ng kasaysayan at pag-unlad ng Cagayan PPO.

Kabilang sa mga outgoing Chiefs of Police sina PLtCol Noriel Lacangan ng Baggao Police Station, PMaj Harold Agdamag ng Alcala Police Station, PMaj Ignacio Dijun Dinulong Jr. ng Aparri Police Station, PMaj Krismar Angelo Casilana ng Pamplona Police Station, at PCpt Rhegie Bulan ng Gattaran Police Station. Ang kanilang pamumuno ay kinilala bilang mahalagang bahagi ng pagpapatupad ng mga programa at adbokasiya ng PNP sa probinsya.
Samantala, mainit namang tinanggap ang mga bagong talagang Chiefs of Police na inaasahang magdadala ng panibagong enerhiya at pamumuno sa kani-kanilang lugar. Sila ay sina PLtCol Rovelita Aglipay ng Baggao Police Station, PMaj Alberto Pestejo ng Alcala Police Station, PMaj Junneil Perez ng Aparri Police Station, PMaj Llewilyn Guzman ng Pamplona Police Station, at PMaj Krismar Angelo Casilana na itinalaga naman sa Gattaran Police Station.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni PCol Anguluan na ang pagpapalit ng pamunuan ay hindi pagtatapos kundi simula ng panibagong yugto ng paglilingkod. Aniya, iisa ang mithiin ng bawat pulis ang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng buong probinsya.
Higit pa sa seremonya, pinagtibay ng pagtitipon ang diwa ng pagkakaisa, respeto, at dedikasyon. Isa itong malinaw na paalala na sa bawat pagbabago ng liderato, nananatiling buo ang paninindigan ng PNP na magsilbi at magprotekta para sa bayan.
Source: Cagayan PPO



