Patay ang Top 2 Provincial Most Wanted Person matapos ang isang engkuwentro laban sa mga operatiba ng Tagbilaran City Police Station bandang alas-3:00 ng madaling araw noong Oktubre 22, 2025, sa Upper Candait, Barangay Dampas, Tagbilaran City, Bohol.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel John Kareen O. Escober, Hepe ng Tagbilaran City Police Station, ang nasawing pangunahing suspek na si alyas “Ondoloy”, 42 taong gulang, residente ng Sitio Upper Candait, Barangay Dampas, Tagbilaran City.


Kasamang nasawi ang isa pang lalaki na nakilalang si Francis, nasa hustong gulang at residente ng Espuelas Extension, Tagbilaran City.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na pwersa ng intelligence operatives, warrant servers, duty SWAT personnel, at Mobile Patrol 05 para isilbi ang Warrant of Arrest laban kay alyas “Ondoloy” para sa mga kasong Murder at Frustrated Murder.
Habang isinasagawa ang operasyon, biglang nagpaputok ng baril ang suspek at ang kanyang kasama laban sa mga operatiba, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis na kung saan ay parehong tinamaan ng bala ang dalawang suspek.
Agad na tinawagan ng mga pulis ang City Disaster Risk Reduction and Management Office para sa medikal na tugon, ngunit idineklara ng mga rumespondeng medical personnel na parehong dead on the spot ang dalawang suspek.
Sa isinagawang crime scene investigation ng Bohol Provincial Forensic Unit, narekober ng mga awtoridad ang isang unit ng KG9 machine pistol cal. 9mm chamber loaded, isang unit ng cal. .45 pistol chamber loaded, walong piraso ng fired cartridge cases ng cal. 9mm, isang piraso ng fired cartridge case ng cal. .45, 14 na medium-sized heat-sealed sachets at isang self-sealed plastic pack na may lamang pinaghihinalaang shabu na may kabuuang timbang na 100 gramo at tinatayang halaga na Php680,000, at isang unit ng Toyota Vios.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang sangkot sa mga kaso at operasyon ni alyas “Ondoloy”.
Hinikayat naman ng Tagbilaran City Police Station ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagbibigay ng impormasyon upang tuluyang masugpo ang kriminalidad sa lungsod at lalawigan ng Bohol.
Source: BPPO SR

