Matagumpay na inihain ng mga tauhan ng Police Station 5 ng Cebu City Police Office ang warrant of arrest laban sa isang akusado na kinikilala bilang Top 2 Most Wanted Person (Provincial Level) noong Biyernes, Mayo 15, 2026, bandang alas-12:35 ng tanghali.
Sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni PMaj Thom Ed Lacaba Taghoy II, Station Commander ng PS-5, Cebu CPO, isinagawa ang operasyon sa loob mismo ng Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center (CPDRC) sa Barangay Kalunasan, Cebu City, kung saan kasalukuyan nang nakapiit ang akusado kaugnay ng iba pang magkakahiwalay na krimen.
Napag-alaman na bukod sa bagong kasong pagpatay, ang akusado ay una nang nakadetine dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), at may kinakaharap din itong nakabinbing kaso para sa Kidnapping with Homicide sa RTC Branch 66.
Samantala, binigyang-diin ng Cebu CPO, sa pamumuno ni City Director PCol George V Ylanan, na patuloy ang kanilang masigasig na kampanya sa pagtugis sa mga lumalabag sa batas upang matiyak na makakamit ang hustisya, alinsunod sa hangarin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat at nararamdaman.”



