Matagumpay na naresolba ng kapulisan ang isang hostage-taking incident sa Orion, Bataan matapos mapayapang mapasuko ang suspek na umano’y nang-hostage sa sarili nitong asawa noong Martes, Mayo 19, 2026.
Ayon sa ulat, agad rumesponde ang mga tauhan ng Orion Municipal Police Station matapos makatanggap ng impormasyon mula sa Barangay Chairman ng Brgy. Bilolo hinggil sa nagaganap na hostage situation sa Sitio Kataasan bandang alas-10 ng umaga. Sa pagdating ng mga pulis, nadatnan nila ang suspek na hawak sa leeg ang kanyang asawa habang tinututukan ito ng kitchen knife sa loob ng kanilang tahanan.
Personal na pinangasiwaan ni PCol Marites A. Salvadora, Provincial Director ng Bataan Police Provincial Office, ang negotiation efforts bandang alas-11:15 ng umaga. Sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na dayalogo, pasensya, at maingat na paghawak sa sitwasyon, tuluyang sumuko nang mapayapa ang suspek dakong alas-12:30 ng tanghali nang walang nasaktan o nasawing buhay.
Samantala, kasalukuyang nasa kustodiya na ng Orion MPS ang suspek at nahaharap sa kasong Hostage Taking sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code at paglabag sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Their Children (VAWC) Act. Patuloy namang tiniyak ng PNP na paiiralin ang hustisya habang pinangangalagaan ang karapatan at kaligtasan ng lahat ng sangkot.
Pinuri naman ni PRO3 Director PBGen Jess B. Mendez ang mga rumespondeng pulis dahil sa kanilang propesyonalismo, disiplina, at mahinahong pagresponde sa insidente. Aniya, “This incident could have ended differently, but because of the patience, restraint, and professionalism shown by our police personnel, the victim was rescued safely, and no lives were lost. This reflects the kind of policing we continue to uphold under the PNP Focused Agenda —responsive, disciplined, and compassionate public service. Here in Central Luzon, we remain committed to providing ‘serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman’ especially during critical incidents where lives are at stake.”
Sa ilalim ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman,” nananatiling handa ang kapulisan na protektahan ang buhay at seguridad ng bawat mamamayan, lalo na sa mga kritikal na sitwasyon.
Source: PRO 3



