Tinalakay ng mga tauhan ng 3rd Maneuvering Platoon ng Tawi-Tawi Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang awareness lecture para sa mga mag-aaral ng Grade 10 at Grade 8 ng Mindanao State University (MSU) Larap Community High School sa Sitangkai, Tawi-Tawi bandang 8:30 ng umaga nito lamang Agosto 25, 2026.
Sa pangunguna ni Police Captain Zharulnizam B. Atara, Team Leader, 3rd Maneuvering Platoon ng Tawi-Tawi PMFC, ay tinalakay ang Safe School Awareness, Anti-Bullying, Mental Health Awareness, at Active Shooter Threat Awareness.
Layunin ng mga paksang ito na matulungan ang mga mag-aaral at school personnel na maunawaan ang mga posibleng sanhi at mga senyales ng babala na maaaring humantong sa mga insidente sa paaralan. Nilalayon din nitong itaguyod ang isang ligtas at maayos na learning environment, gayundin ang pagbibigay ng sapat na kaalaman at kahandaan sakaling magkaroon ng emergency o banta sa seguridad.
Binigyang-diin sa aktibidad na ang kaligtasan sa paaralan ay responsibilidad ng lahat. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman, maagap na pagtugon, kahandaan, at pagtutulungan ng mga mag-aaral, guro, school administrators, magulang, komunidad, at mga awtoridad, maaaring matukoy at maagapan ang mga posibleng banta bago pa ito lumala.
Source: Tawi-Tawi Provincial Mobile Force Company
Panulat ni PMSg Grace Ortiz



