Suspek sa umano’y “Slots for Sale” scheme, arestado ng CIDG sa Pampanga

0
175

Arestado ang isang aktibong personnel ng Bureau of Fire Protection (BFP) matapos umanong mahuli sa aktong pagtanggap ng marked money mula sa isang aplikanteng nais makapasok sa fire bureau, sa isinagawang entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa San Fernando City, Pampanga noong Agosto 24, 2026.

Isinagawa ang operasyon dakong alas 7:15 ng gabi sa isang parking area ng food chain sa Brgy. Maimpis, San Fernando City, sa koordinasyon ng CIDG Zambales Provincial Field Unit, CIDG Pampanga Provincial Field Unit, Regional Special Operations Group (RSOG) ng Police Regional Office 3, San Fernando City Police Station, at BFP Region 3. Nag-ugat ang operasyon sa sumbong ng isang aplikante hinggil sa umano’y “Slots for Sale” scheme para makapasok sa BFP.

Ayon sa complainant, umano’y nakipag-ugnayan ang suspek gamit ang dummy Facebook Messenger account at nangakong mapapadali ang kanyang pagpasok sa BFP kapalit ng Php500,000. Sa kanilang pag-uusap, ipinakita rin umano ng suspek ang kanyang BFP identification card at iginiit na nakapagsagawa na siya ng katulad na transaksiyon sa mga aplikante mula sa iba’t ibang lugar. Matapos makipagnegosasyon sa paunang bayad na Php300,000, inilatag ng mga awtoridad ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek habang tinatanggap ang marked money.

Pinuri ng pamunuan ng CIDG ang mga operatiba sa matagumpay na joint law enforcement operation. Binigyang-diin ng yunit na pinapakita ng naturang operasyon ang mahigpit na paninindigan ng mga awtoridad laban sa korupsiyon at sa mga indibidwal na nagsasamantala sa mga nangangarap na makapaglingkod sa bayan.

Ayon kay PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police, “Ang pagpasok sa serbisyo publiko ay hindi dapat nabibili. We will continue to act when there are complaints or indications that the recruitment process is being misused. At the same time, we will make sure that every investigation is handled properly and fairly” (We will continue to act when there are complaints or indications that the recruitment process is being misused. At the same time, we will make sure that every investigation is handled properly and fairly).

Tiniyak naman ng CIDG na patuloy nitong paiigtingin ang kampanya laban sa recruitment scams at iba pang gawaing mapanlinlang na sumisira sa integridad ng serbisyo publiko. Hinikayat din ang publiko na manatiling mapagmatyag at agad i-report ang sinumang humihingi ng pera, regalo, o pabor kapalit ng umano’y tulong sa recruitment o garantisadong appointment. Ang hakbang ay bahagi ng pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” tungo sa mas tapat, responsable, at mapagkakatiwalaang serbisyo para sa mamamayan.

Source: PNP-PIO and PNP CIDG (https://www.facebook.com/share/p/1DKd2naMra/?mibextid=wwXIfr)

Leave a Reply