Mabilis na naaresto ng mga operatiba ng Pagsanjan Municipal Police Station, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Laguna Police Provincial Office, ang suspek sa pamamaril ng isang jeepney driver sa isinagawang hot pursuit operation sa Brgy. Lewin, Lumban, Laguna noong Hulyo 19, 2026.
Ang suspek, na kinilala sa alyas na “John,” 29 taong gulang at residente ng Brgy. Magdapio, Pagsanjan, Laguna, ay itinuturong responsable sa pamamaril na ikinasawi ni alyas “Jaypee,” 28 taong gulang, sa Villa Corazon Subdivision, Brgy. Biñan, Pagsanjan noong Hulyo 17.
Kaagad na nagsagawa ang kapulisan ng dragnet at hot pursuit operations matapos ang insidente. Masusing sinuyod ng mga operatiba ang mga bayan ng Pagsanjan, Lumban, at Kalayaan hanggang sa matunton ang pinagtataguan ng suspek. Nakilala ito sa puting T-shirt na may markang “CONCIS,” na umano’y suot nito nang maganap ang krimen, na naging mahalagang batayan sa kanyang agarang pagkakaaresto.
Sa operasyon, nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .45 pistol, isang magazine, 12 bala ng caliber .45, isang gun stabilizer, isang Yamaha Sniper 155 motorcycle, isang cellular phone, salapi, at iba pang personal na gamit na sasailalim sa karagdagang forensic examination bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon. Nasa kustodiya na ng Pagsanjan MPS ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.
Pinuri ni PBGen Dominic L. Baccay, Acting Regional Director ng Police Regional Office 4A, ang maagap na pagkilos at mahusay na koordinasyon ng mga operatiba na nagresulta sa mabilis na pagkakadakip sa suspek. Aniya, malinaw na ipinakikita ng matagumpay na operasyon na walang puwang ang mga kriminal sa komunidad at mananagot sa batas ang sinumang lumalabag dito.
Muling pinagtitibay ng Philippine National Police ang matatag nitong kampanya laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng maagap na pagtugon, masusing imbestigasyon, at koordinadong law enforcement operations bilang bahagi ng pagsusulong ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 4A



