Suspek sa carnapping, arestado ng Norzagaray PNP; hinihinalang shabu, narekober

0
207

Naaresto ng mga operatiba ng Norzagaray Municipal Police Station ang isang lalaki matapos tangayin ang isang motorsiklo sa Brgy. Partida, Norzagaray, Bulacan noong Hunyo 7, 2026.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ismael C Gauna, Acting Chief of Police ng Norzagaray MPS, ang suspek na si alyas “Rey”, 33 taong gulang at residente ng Sitio Pugpog, Brgy. Partida, Norzagaray, Bulacan.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman na ipinarada ng biktima ang kanyang kulay abong Honda Click 125 sa labas ng kanilang bahay at hindi sinasadyang naiwan ang susi sa ignition. Makalipas ang ilang sandali, napansin ang suspek na mabilis na umaalis habang minamaneho ang kanyang motorsiklo. Bagama’t sinubukan niyang habulin ito, hindi niya agad naabutan, kaya’t agad niyang iniulat ang insidente sa Norzagaray MPS.

Dahil sa agarang aksyon ng pulisya, nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Investigation Section at duty patrollers na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at pagkakarekober ng tinangay na motorsiklo. Sa isinagawang pag-aresto, nakumpiska rin mula sa pag-iingat ng suspek ang anim  na heat-sealed transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang tatlong gramo at tinatayang Standard Drug Price na Php20,400.00.

Kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Act at Section 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kakaharapin ng suspek.

“Ang mabilis na pagkakaresponde ng ating mga pulis ay nagresulta hindi lamang sa pagkakarekober ng ninakaw na motorsiklo kundi pati na rin sa pagkakasamsam ng hinihinalang ilegal na droga. Patunay ito ng ating patuloy na pagsisikap laban sa kriminalidad at ilegal na droga sa lalawigan. “Mananatili tayong mapagmatyag at maagap upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa ating mga komunidad,” pahayag ni Police Colonel Jay B Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office.

Leave a Reply