Street Level Individual, arestado sa buy-bust operation sa Leganes, Iloilo

0
633

Arestado sa isang anti-drug buy-bust operation ang isang 20-anyos na lalaki sa Barangay Guihaman, Leganes, Iloilo bandang alas-8:00 ng gabi nito lamang ika-25 ng Pebrero 2025.

Kinilala ang suspek na si alyas “Tan-Tan,” tinaguriang isang Street Level Individual (SLI) at kilalang nagbebenta ng iligal na droga sa kanilang lugar.

Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Leganes Municipal Police Station Special Drug Enforcement Team (MPS SDET) sa pangunguna ni Police Captain General Enrique V Robles, Officer-in-Charge.

Nahuli si alyas “Tan-Tan” matapos niyang magbenta ng isang plastic sachet ng suspected shabu sa isang police poseur-buyer kapalit ng Php1,400 na buy-bust money. Dahil dito, agad siyang inaresto ng mga operatiba. Bukod sa buy-bust item at buy-bust money, narekober din mula sa kanya ang pito pang plastic sachet ng hinihinalang shabu at ang perang ginamit sa operasyon.

Sa kabuuan, umabot sa humigit kumulang 10 gramo ng iligal na droga ang nakumpiska mula sa suspek na may halagang tinatayang Php68,000.

Patuloy na pinapaigting ng pulisya ang kanilang kampanya kontra sa ipinagbabawal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa Iloilo.

Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng masigasig na pagsisikap ng Philippine National Police upang labanan ang kriminalidad at maprotektahan ang publiko laban sa panganib na dulot ng iligal na droga.

Source: ILOILO NEWS ONLINE

Panulat ni Pat Justine Mae Jallores