Siyam na Wanted Person, arestado sa pinaigting na operasyon ng Quezon PPO

0
45

Naaresto ng mga operatiba ng Quezon Police Provincial Office (PPO) ang siyam na indibidwal sa magkahiwalay na operasyon sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Quezon, noong Hulyo 10, 2026.

Sa isinagawang operasyon, matagumpay na naaresto ng Buenavista MPS ang Municipal Most Wanted Person Rank No. 2 na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165. Nadakip din ng Tiaong MPS ang isang wanted person na may kasong Attempted Homicide, habang naaresto naman ng Lucena Component City Police Station ang isang akusado na nahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

Samantala, naaresto naman ng San Andres MPS ang isang wanted person na may kasong paglabag sa Section 88 ng Republic Act 8550 o Philippine Fisheries Code. Sa Mulanay MPS at Real MPS, dalawang wanted person ang kusang-loob na sumuko sa tulong ng mga pulis at mga opisyal ng barangay matapos malaman na mayroong nakabinbing warrant of arrest.

Matagumpay ding naipatupad ng 2nd Quezon Provincial Mobile Force Company ang warrant of arrest laban sa isang akusado na nahaharap sa kasong murder, habang naaresto naman ng General Nakar MPS ang isang wanted person na may kasong robbery with force upon things. Bukod dito, nagsilbi rin ang Sariaya MPS ng warrant of arrest sa isang akusado na kasalukuyan nang nasa kustodiya ng kanilang himpilan.

“Hindi titigil ang Quezon PPO sa paghahanap at pag-aresto sa mga taong umiiwas sa pananagutan sa batas. Patuloy nating paiigtingin ang ating operasyon upang matiyak na ang bawat warrant of arrest ay maipatutupad at ang hustisya ay maihahatid sa ating mga mamamayan. Hinihikayat din natin ang mga may nakabinbing kaso na kusang-loob na humarap sa kinauukulan upang maisagawa ang tamang proseso ng batas,” ani Police Colonel Romulo Albacea, Provincial Director ng Quezon Police Provincial Office.

Leave a Reply