Bilang pagpapatuloy ng mga programang pangkomunidad ng 2nd Palawan Provincial Mobile Force Company (PMFC), pinagkalooban ng wheelchair ang isang senior citizen sa Sitio Cagbanaba, Barangay New Ibajay, El Nido, Palawan noong Hulyo 21, 2026 sa ilalim ng “Gulong ng Pag-asa” Program. Ang inisyatibong ito ay naglalayong makapaghatid ng malasakit at makabuluhang serbisyo sa mga mamamayang higit na nangangailangan ng tulong.
Ang naging benepisyaryo ng programa ay si Ginoong Patrocenio Jongay Sr., 80 taong gulang, na pinagkalooban ng wheelchair upang makatulong sa kanyang pang-araw-araw na paggalaw at mapabuti ang kanyang kalagayan. Pinangunahan ang aktibidad ni PLt Daniel B. Cancino III, Platoon Leader ng 2nd Platoon, 2nd Palawan PMFC, katuwang si Engr. James Kenneth M. Deluis at ang JDK Engineering Services Palawan, na nagkaisa sa layuning makapaghatid ng agarang tulong sa mga nangangailangan.
Ang pamamahaging ito ay bahagi ng “Gulong ng Pag-asa” Program, isa sa mga pangunahing best practices ng 2nd Palawan PMFC na naglalayong magkaloob ng mga mobility aid sa mga persons with disability (PWDs) at senior citizens na may limitadong kakayahang makakilos. Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat ang pamilya ni Ginoong Jongay sa ipinakitang malasakit ng mga kapulisan at ng kanilang katuwang sa pribadong sektor, na anila’y nagbigay ng malaking ginhawa sa kanilang mahal sa buhay.
Patuloy na pinagtitibay ng 2nd Palawan PMFC ang kanilang pangako na maging katuwang ng mamamayan sa pamamagitan ng mga programang naghahatid ng pag-asa, malasakit, at inklusibong serbisyo sa komunidad, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Second Palawan PMFC



