Road closure at re-routing, ipinatupad ng MPD kasabay sa Labor Day

0
300

Nagpatupad ng mga road closures at traffic rerouting ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod ng Maynila bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita sa Labor Day ngayong araw.

Ayon sa traffic advisory ng MPD, isasara simula alas-9:00 ng gabi ng Abril 30 ang mga kalsada ng CRB Mendiola mula C.M. Recto Ave. (N. Reyes hanggang Mendiola); Legarda St. mula Figueras St. hanggang San Rafael St.; Liwasang Bonifacio (Magallanes Drive mula Jones Bridge hanggang McArthur Bridge) at Ayala Bridge (eastbound lane ng Ayala Blvd. mula San Marcelino hanggang Romualdez St.)

Kaugnay nito, magpapatupad din ang MPD ng rerouting scheme upang maiwasan ang matinding trapiko. Kabilang na dito ang mga manggagaling sa Quezon Blvd. at C.M. Recto Ave. patungong Mendiola na dadaan sa N. Reyes St. Samantala, ang mga galing Sta. Mesa via Legarda St., maaaring kumanan sa Figueras St., dumiretso sa Earnshaw St., at lumiko sa S.H. Loyola St.

Para naman sa mga manggagaling sa P. Casal St., inirerekomendang dumaan sa San Rafael St., Bilibid Viejo, at S.H. Loyola o N. Reyes. Ang mga sasakyan mula sa P. Burgos Ave. ay maaaring dumiretso sa Jones Bridge, habang ang mga galing sa C. Muñoz St. ay maaaring dumaan sa P. Burgos Ave.

Ang mga motorista mula McArthur Bridge ay maaaring dumaan sa Magallanes Drive patungong P. Burgos Ave. at Victoria St. Samantala, ang mga mula Romualdez St. na papuntang Ayala Bridge ay pinapayuhang dumaan sa Ayala Blvd. patungong Taft Ave. o sa alternatibong ruta sa N. Lopez at A. Villegas.

Pinayuhan din ang mga motorista mula San Marcelino St. na dumaan sa Taft Ave. o UN Avenue, habang ang mga galing sa Ayala Blvd. ay maaaring kumanan sa San Marcelino St. at ang mga mula sa C. Palanca St. ay dumaan sa P. Casal St.

Nanawagan naman ang MPD sa publiko na isaalang-alang ang maayos na plano bago magbiyahe, kabilang na ang pag-alis nang maaga, at sumunod sa ipatutupad na traffic scheme upang maiwasan ang anumang abala at aberya.

Leave a Reply