Handa ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa mga gaganaping demonstrasyon ngayong selebrasyon ng Araw ng mga Manggagawa. Ito ay kasunod ng inanunsyo ng pamunuan na wala umanong work suspension para sa mahigit 106,000 kapulisan na itinalaga para sa pagtiyak ng seguridad sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong araw, May 1, 2026.
Saad pa ni Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., Chief, PNP, na nararapat talagang bigyang-pagkilala ang sakripisyo ng nasabing mga kapulisan sapagkat sila ay buong pusong magsisilbi para sa kaayusan at kapayapaan ng nasabing selebrasyon.
“To our officers on the ground, we honor your sacrifice as you serve the nation on Labor Day. You are the shield of our democracy. Perform your duties with pride, remain professional under pressure, and remember that our primary mission is to keep every Filipino safe,” pahayag pa ni PGen Nartatez.
Nauna nang isinailalim sa heightened alert status ang buong PNP simula alas 12:01 ng madaling-araw ng April 30 hanggang alas 12:01 ng madaling-araw ng May 2.
Binigyang-diin naman ni PGen Nartatez na pangunahing pokus ng nasabing mga deployment ang pagbibigay ng proteksyon sa publiko, kabilang na ang mga nagpo-protesta, habang ang lahat ng mga kasapi ng Civil Disturbance Management (CDM) units ay mayroong mga body-worn cameras na, aniya, ay bahagi ng mga hakbang ng himpilan na magkaroon ng objective record sa kanilang pagpapatupad ng batas.
Inatasan din umano ng hepe ang PNP-Intelligence Group na panatilihin ang pagkakaroon ng real-time coordination sa lahat ng mga local government units upang tukuyin at i-monitor ang mga grupong balak manggulo. Sinabi naman ng hepe na wala umano silang nakitang anumang pangamba sa seguridad kasabay ng pagdiriwang.
“The PNP is on heightened alert not to suppress, but to secure. We are here to ensure that Labor Day remains a peaceful celebration for the workers who are the backbone of our nation,” pahayag pa ni CPNP Nartatez.
“We respect the right to peaceful assembly, but we will not tolerate any acts of violence or lawlessness. Our directive is clear, exercise maximum tolerance while maintaining the rule of law,” dagdag pa niya.



