Ipinamalas ng kapulisan ang malasakit at serbisyong may puso matapos matagumpay na makiisa ang mga tauhan ng 101st Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 1 (RMFB1), sa outreach program na “Isem ken Ayat” sa Sitio Paddagan, Brgy. Payac, Bangui, Ilocos Norte, noong Oktubre 14, 2026.
Pinangunahan ni PLt Rommel A. Asistin, Platoon Leader ng Bangui Forward Operational Base, sa ilalim ng pangangasiwa ni PCpt Jex Darvin K Collo, Officer-in-Charge, ang pakikilahok ng mga tauhan sa nasabing aktibidad.
Ang programa ay inisyatiba ng mga social media influencer ng Ilocos Norte, katuwang ang Bangui Municipal Police Station, mga opisyal ng barangay, at mga community volunteer upang maghatid ng tulong at kasiyahan sa mga mag-aaral ng Paddagan Elementary School.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang libreng gupit, feeding program, at pamamahagi ng hygiene kits, tsinelas, stationery, at iba pang kagamitan sa pag-aaral na naglalayong makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga bata.
Higit pa sa mga regalong naipamahagi, naghatid ang programa ng ngiti, pag-asa, at inspirasyon sa mga mag-aaral upang patuloy na mangarap at magsikap para sa kanilang kinabukasan.
Ang makabuluhang inisyatibang ito ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng RMFB1 na palakasin ang ugnayan ng pulisya at komunidad sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa kapakanan ng mamamayan, lalo na ng mga kabataan sa malalayong pamayanan alinsunod sa adbokasiya ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Panulat ni PMSg Carmela G Danguecan
Source: Bagui Patrol base RMFB1 https://www.facebook.com/share/p/1FA5Nkav3k/

