Nadakip ng mga tauhan ng Balayan Municipal Police Station (MPS) ang isang Regional-Level Most Wanted Person sa isinagawang manhunt operation noong Nobyembre 19, 2026, sa Brgy. Calzada, Balayan, Batangas, bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng Batangas Police Provincial Office (BPPO) laban sa mga wanted person.
Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Vilma,” 35 anyos at residente ng Brgy. Magabe, Balayan. Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Presiding Judge ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 11, Balayan, Batangas, kaugnay ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Alinsunod sa mga umiiral na batas at alituntunin, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatang konstitusyonal sa ilalim ng Miranda Doctrine at Anti-Torture Law. Gumamit din ang mga operatiba ng Alternative Recording Devices (ARDs) upang matiyak ang pagsunod sa mga itinakdang pamantayan ng operasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Balayan MPS ang naarestong suspek habang inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasauli ng warrant sa korte na naglabas nito. Ayon kay PCol Oliver B. Ebora, Provincial Director ng Batangas PPO, “Every arrest is a step toward upholding the rule of law and ensuring public safety. We will continue to intensify our efforts to locate and apprehend wanted individuals and see to it that justice is served” (Bawat pagkakaaresto ay isang hakbang tungo sa pagtataguyod ng batas at pagtiyak sa kaligtasan ng publiko. Patuloy naming paiigtingin ang aming pagsisikap na matukoy at madakip ang mga wanted person upang matiyak na maipagkakaloob ang nararapat na katarungan).
Tiniyak ng Batangas PPO na magpapatuloy ang pinaigting na pagtugis sa mga wanted person upang matiyak na mananagot sa batas ang mga lumalabag dito at mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Batangas PPO (https://www.facebook.com/share/p/1MtUw4fdEv/)

