Matagumpay na naaresto ng mga tauhan ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang isang Regional-Level Most Wanted Person mula sa Calabarzon sa isinagawang operasyon sa Barangay San Esteban, Pilar, Capiz noong gabi ng Linggo, Hulyo 12, 2026.
Sa bisa ng isang warrant of arrest, nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ng Pilar Municipal Police Station katuwang ang Trece Martires Component City Police Station at Cavite Police Provincial Office ng PRO4-A, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang 45-anyos na lalaki, isang magsasaka at residente ng nasabing lugar.
Ang inaresto ay may kinakaharap na mga kasong may kaugnayan sa umano’y apat na bilang ng paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act 7610 at apat na kasong isinampa sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code. Ang mga warrant of arrest ay inilabas ng Regional Trial Court, 4th Judicial Region, Branch 5, Trece Martires City, Cavite, noong Marso 25, 2022, na may itinakdang inirekomendang piyansa na Php 200,000.00 para sa bawat kaso sa ilalim ng RA 7610, habang walang inirekomendang piyansa para sa mga kasong nasa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pilar Municipal Police Station ang inaresto para sa kaukulang disposisyon at pagpapatuloy ng naaangkop na proseso ng batas.
Binigyang-diin ni PRO6 Acting Regional Director PBGen Randulf T. Tuaño na ang matagumpay na operasyon ay nagpapakita ng kahalagahan ng tuloy-tuloy na koordinasyon ng iba’t ibang yunit ng pulisya upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng mga warrant of arrest at paghahatid ng mga kinauukulan sa tamang proseso ng batas.
Hinimok din niya ang publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng tama at napapanahong impormasyon na makatutulong sa paghahanap ng mga wanted na indibidwal, habang iginagalang ang due process at karapatan ng lahat ng sangkot sa anumang kaso.
Ang nasabing operasyon ay patunay ng patuloy na pangako ng PRO6 sa “Responsive, Trusted, and Transformative Policing for a Safer Western Visayas” sa pamamagitan ng mas pinaigting na pagpapatupad ng batas, community-oriented policing, at mga serbisyong nakatuon sa mamamayan na nakaayon sa PNP Focus Agenda at sa adhikain ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat at Nararamdaman” sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr.



