RD PBGen Silvio, sinuri ang seguridad sa mga sementeryo sa rehiyon para sa ligtas na “UNDAS 2026”

0
351

Nagsagawa ng inspeksiyon si PBGen Randy Glenn G Silvio, Regional Director ng Police Regional Office 5 (PRO5), sa iba’t ibang sementeryo upang tiyakin ang kahandaan ng kapulisan sa Bicol Region kasabay ng paggunita ng Undas 2026 mula October 31 hanggang November 2, 2026.

Layunin ng pagbisita na masuri ang mga ipinatutupad na hakbang pang-seguridad at matiyak ang kahandaan ng mga tauhan ng pulisya sa bawat lugar sa rehiyon.

Sa isinagawang pag-iikot, personal na sinuri ni PBGen Silvio ang mga paghahandang may kaugnayan sa seguridad, pamamahala sa daloy ng trapiko, at pagpapanatili ng kaayusan sa loob at paligid ng mga sementeryo. Tiniyak din niya na nakalatag ang mga kinakailangang plano upang agad na matugunan ang anumang insidente o pangangailangan ng publiko.

Bahagi ito ng maagap na hakbang ng PRO5 upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan sa inaasahang pagdagsa ng mga dadalaw sa mga sementeryo sa paggunita ng Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa. Patuloy ding pinaiigting ng PRO5 ang pagbabantay at pagpapatupad ng mga kaukulang hakbang pangseguridad upang mapanatili ang ligtas at maayos na paggunita ng Undas 2026.

Hinikayat naman ng PRO5 ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin sa kaligtasan, at maging mapagmatyag sa kanilang kapaligiran. Muli nitong tiniyak ang patuloy na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat pamilya ngayong Undas 2026.

Panulat ni PCpl Doxie Charesse C Casasos

Source: https://www.facebook.com/share/p/1E6yourdFJ/

Leave a Reply