Muling pinagtibay ang matatag na ugnayan ng Police Regional Office CALABARZON at ng civilian stakeholders sa isinagawang Regional Advisory Group for Police Transformation and Development (RAGPTD) Meet and Greet sa pangunguna ni PBGen Hansel M Marantan, Regional Director ng PRO4A, na ginanap nito lamang April 21, 2026 sa PRO 4A Multipurpose Center Hall, Camp BGen Vicente P. Lim, Calamba City, Laguna.
Dinaluhan ang nasabing pagtitipon ng mga miyembro ng RAGPTD na pinangunahan ni Honorable Mayor Arlene B. Arcillas, RAGPTD Chairperson and Mayor ng Santa Rosa City, kasama ang iba pang mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Ang RAGPTD ay isang mahalagang advisory body ng Philippine National Police sa regional level na binubuo ng mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, academe, business sector, religious groups, civil society organizations, at iba pang stakeholders. Layunin nitong magsilbing katuwang ng PNP sa pagsusulong ng mas makabuluhang reporma at mas epektibong serbisyong pangkapulisan.
Kabilang sa pangunahing mandato ng RAGPTD ang pagbibigay ng guidance at policy advice para sa police transformation initiatives, pagpapalakas ng transparency at accountability sa serbisyo publiko, pagsisilbing tulay sa pagitan ng PNP at komunidad, at pakikibahagi sa pagbuo ng mga programang tumutugon sa tunay na pangangailangan ng mamamayan sa usapin ng kapayapaan at kaayusan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PBGen Marantan ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga stakeholders sa pagpapatatag ng tiwala ng publiko at sa patuloy na pagpapahusay ng serbisyo ng kapulisan.
“Your presence is enough para mapakita ang inyong suporta at malaking tulong sa amin sa PNP. I encourage everyone to find joy and fulfillment in what you do. Kayo ang katuwang ng ating kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan sa ating komunidad,” saad ni PBGen Marantan.
Ibinahagi rin ng Regional Director ang kasalukuyang peace and order situation sa rehiyon, kung saan kabilang sa mga nangungunang insidente ang theft at rape cases. Binigyang-diin niya na hindi kakayanin ng kapulisan na tugunan ang mga hamong ito nang mag-isa, lalo’t nananatiling hamon ang police-to-population ratio sa CALABARZON, na umaabot sa humigit-kumulang isang pulis sa mahigit 1,200 mamamayan.
Sa kabuuan, ang naturang Meet and Greet ay hindi lamang isang courtesy engagement kundi isang mahalagang plataporma para sa kolaborasyon at pagpapatatag ng ugnayan sa pagitan ng PRO CALABARZON at mga miyembro ng RAGPTD, na naglalayong palakasin ang police-community relations tungo sa isang mas ligtas, maayos, at progresibong rehiyon.
Pagkatapos ng meet and greet idinaos naman ang Strategy Review para makita ang direksiyon at lagay ng operasyon ng pulisya at kampaya laban sa kriminalidad sa buong rehiyon ng CALABARZON.



