Matagumpay na naaresto ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang No. 1 Regional Most Wanted Person ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa isinagawang warrant operation sa Pasay City noong umaga ng Hulyo 21, 2026.
Ang 31-anyos na babaeng suspek ay inaresto ng mga operatiba ng CIDG Northern District Field Unit batay sa warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court ng Makati City kaugnay ng 13 bilang ng Qualified Theft, na may inirekomendang piyansang Php40,000 bawat kaso o kabuuang Php520,000.
Pinuri ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, PNP, ang mga operatibang nagsagawa ng matagumpay na operasyon. Binigyang-diin niya na ang bawat warrant na naipatutupad ay mahalagang bahagi ng pagbibigay ng hustisya at pagpapanatili ng kaayusan, kasabay ng pagtiyak na ang lahat ng operasyon ay isinasagawa nang may paggalang sa karapatang pantao, disiplina, at mahigpit na pagsunod sa umiiral na batas. Iginiit din niya na magpapatuloy ang koordinasyon at mga operasyon upang maipatupad ang mga utos ng hukuman sa ligtas, maayos, at propesyonal na paraan.
Ipinakita ng matagumpay na operasyon ang patuloy na pagpapaigting ng PNP sa paghahanap at pag-aresto sa mga wanted person sa pamamagitan ng intelligence-driven at legal na police operations. Kasabay nito, higit ding pinalalakas ang pagpapatupad ng mga warrant of arrest bilang bahagi ng Enhanced Managing Police Operations sa ilalim ng PNP Focused Agenda, na naglalayong mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko.
Patuloy na hinihikayat ng PNP ang kooperasyon ng publiko sa pamamagitan ng pagbibigay ng napapanahon at tamang impormasyon na makatutulong sa pag-aresto sa mga wanted person. Sa pamamagitan ng matatag na pakikipagtulungan sa komunidad at tuloy-tuloy na pagpapatupad ng batas, isinusulong ng PNP ang isang mas ligtas na pamayanan, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PNP-PIO



