Mahigit Php500,000 halaga ng mga ilegal na troso ang nasamsam sa isinagawang anti-illegal logging operation ng pinagsanib na puwersa ng Rizal Municipal Police Station, Community Environment and Natural Resources Office (CENRO), at iba pang law enforcement units sa Rizal, Cagayan noong Hulyo 21, 2026.
Nagsagawa ng verification at law enforcement operation ang mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa umano’y paglabag sa Sections 77 at 78 ng Presidential Decree No. 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Pinangunahan ng Rizal Municipal Police Station ang operasyon sa pakikipagtulungan sa CENRO-Lannig, Solana, 202nd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 2, at 4th Mobile Force Platoon, 1st Provincial Mobile Force Company.
Sa operasyon, narekober ang walong piraso ng red/white Lauan round logs na may kabuuang 10,000.372 board feet na nagkakahalaga ng Php500,018.65, at anim na piraso ng red/white Lauan flitches na may 549.82 board feet na may halagang Php35,685.00, o kabuuang tinatayang Php535,703.65.
Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy ang isang suspek na kilala sa alyas na “Lito,” na residente ng Lasam, Cagayan. Ayon sa isang testigo, personal nitong nakita ang suspek na umano’y nagsasagawa ng ilegal na kaingin at planong gawing taniman ng mais ang bahagi ng kagubatan.
Isinagawa ang wastong imbentaryo at dokumentasyon ng mga nakumpiskang forest products sa presensya ng mga barangay officials bilang mga saksi. Pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng isang barangay kagawad ang mga nasamsam na troso habang hinihintay ang pormal na turnover sa CENRO para sa kaukulang disposisyon. Inihahanda na rin ng Rizal Municipal Police Station ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa natukoy na suspek.
Patuloy na pinalalakas ng Police Regional Office 2 ang kampanya laban sa illegal logging at iba pang environmental crimes sa pakikipagtulungan sa DENR at iba pang partner agencies upang mapangalagaan ang likas na yaman at mapanatili ang balanseng ekolohiya sa Lambak ng Cagayan.
Source: Police Regional Office 2



