Bilang bahagi ng adbokasiya ng kapulisan na hindi lamang nakatuon sa seguridad kundi maging sa pangangalaga ng kalikasan, nakiisa ang Puerto Princesa City Police Office (PPCPO), sa pangunguna ni Police Colonel Cristine M. Tabdi, Acting City Director, sa isinagawang 16th episode ng “Save the Puerto Princesa Bays” Coastal Clean-up sa Liberty Quimzon, Purok Seaside-2, Barangay Bagong Sikat, Puerto Princesa City, Palawan noong ika-16 ng Agosto 2025.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga residente at iba’t ibang volunteer groups na nagkaisang naglinis ng dalampasigan upang alisin ang basura, marine debris, at iba pang polusyon.

Layunin ng inisyatiba na hindi lamang maibalik ang kalinisan at kagandahan ng paligid, kundi mapalawak din ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pangangalaga sa karagatan at kalikasan.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PCol Tabdi na kaakibat ng kanilang pakikiisa sa kalikasan ang patuloy na pagpapatupad ng mabilis na serbisyo ng pulisya. Kanyang binigyang-linaw ang pahayag ng CPNP Police General Nicolas D. Torre III: “Wag n’yo na kaming hanapin sa presinto, sapagkat kami ay nasa inyong mga telepono. Dial 911, darating kami sa loob lamang ng 5 minuto.”

Malinaw na naipakita sa naturang aktibidad ang kahalagahan ng pagkakaisa ng kapulisan, pamayanan, at mga volunteer. Bukod sa resulta ng mas malinis na kapaligiran, nagdulot din ito ng mensahe ng disiplina, malasakit, at pagtutulungan para sa kapakanan ng susunod na henerasyon.
Sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng PPCPO sa mga programang pangkalikasan, pinapatunayan ng kapulisan ang kanilang pagiging kaagapay hindi lamang sa seguridad at kaligtasan ng komunidad, kundi maging sa pagtataguyod ng isang mas ligtas, mas malinis, at mas maayos na pamayanan.
Source: Puerto Princesa City Police Office



