PSSg Miraña, sumailalim sa opersayon upang maibalik ang naputol na kamay matapos rumesponde sa nag-amok sa Camarines Sur

0
104
Screenshot

Matagumpay na sumailalim sa operasyon si Police Staff Sergeant Noli Miraña upang muling maidugtong ang kanyang naputol na kamay matapos siyang masugatan habang rumesponde sa isang insidente ng pang-aamok sa San Jose, Camarines Sur kamakailan.

Isinagawa ang naturang operasyon sa Bicol Medical Center kung saan matagumpay na naidugtong muli ang naputol na kamay ng nasabing pulis.

Ayon sa inisyal na ulat, inatake umano si PSSg Miraña ng isang lalaking armado ng itak, na umano ay may problema sa pag-iisip, dahilan upang malubhang napinsala at naputol ang kanyang kamay.

Sa kabila ng matinding sinapit na pinsala, agad siyang isinugod sa Bicol Medical Center kung saan isinagawa ang kinakailangang operasyon.

Sa kasalukuyan, patuloy na nagpapagaling si PSSg Miraña habang mino-monitor ng mga doktor ang kanyang kondisyon at ang resulta ng isinagawang operasyon.

Samantala, nagpaabot naman ng suporta si San Jose Mayor Jerold Peña na nangakong tutulong sa mga pangangailangan ng pagpapagaling ni PSSg Miraña.

Kinilala naman ng Police Regional Office 5 sa pamumuno ni PBGen Erosito N Miranda, Regional Director, maging ng National Police Commission, ang katapangan ni PSSg Miraña na nagsisilbing inspirasyon sa buong hanay upang patuloy na pangalagaan ang kaligtasan ng komunidad at higit sa lahat ipatupad ang batas ng buong puso at buong tapang.

Leave a Reply