Ipinagdiwang ng PSBRC Class 2017-02 “LIYAB-DIWA” ang kanilang ika-siyam na anibersaryo sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng isang makabuluhang gift-giving activity para sa isang pamilyang napiling benepisyaryo sa Barangay Sta. Maria, Flora, Apayao noong Agosto 17, 2026. Ang mga miyembro ng klase ay kasalukuyang nakatalaga sa iba’t ibang istasyon ng Apayao Police Provincial Office.
Sa kabila ng layo ng lugar at mahirap na daan na kinailangang lakarin nang halos tatlong kilometro, hindi ito naging hadlang sa mga miyembro ng klase upang maisakatuparan ang kanilang layunin na makapaghatid ng tulong. Nagpaabot sila ng mga pangunahing pangangailangan sa araw-araw, kabilang ang bigas at iba’t ibang grocery items, para sa kanilang napiling pamilya.
Ang kanilang simple ngunit taos-pusong pagkilos ay sumasalamin sa mas malalim na kahulugan ng kanilang panunumpa sa serbisyo—ang patuloy na pagiging handang tumulong at maglingkod sa bayan nang may malasakit, pagkakaisa, kababaang-loob, at tunay na pagmamahal sa kapwa. Ipinakita rin nito na ang diwa ng paglilingkod ay hindi nasusukat sa laki ng naibibigay, kundi sa sinseridad ng pagtulong sa mga nangangailangan.
Ang naturang inisyatiba ay kaakibat ng mantra ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” na nagbibigay-diin sa serbisyong tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan. Ipinakikita rin nito na ang pagiging pulis ay hindi lamang tungkol sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, kundi pagiging katuwang, tagapagtanggol, at instrumento ng pag-asa para sa mga higit na nangangailangan.
Source: Apayao Police Provincial Office



