Bilang suporta sa Safer Cities and Municipalities Program ng Department of the Interior and Local Government (DILG), pormal na inilunsad ng Cagayan Police Provincial Office sa pangunguna ni PCol Mardito G. Anguluan, Provincial Director, noong Hunyo 3, 2026, ang Project I.M.B.U.D.O. sa mga piling strategic locations sa Ikatlong Distrito ng Cagayan.
Ang PROJECT I.M.B.U.D.O. ay nangangahulugang Inspection of Motorcycles Using the Border Lane for Unified Approach During Checkpoint Operations, isang enhanced police visibility at road safety initiative na nakatuon sa mahigpit na pagpapatupad ng batas-trapiko, accident prevention, at crime deterrence, partikular sa mga insidenteng kinasasangkutan ng riding-in-tandem.
Batay sa datos ng CPPO, tumaas ang vehicular accidents mula 802 noong 2024 patungong 914 noong 2025, at may 128 na insidente sa unang bahagi ng 2026. Naitala rin ang 161,370 traffic violations noong 2024, 97,214 noong 2025, at 63,226 hanggang 2026, habang ang Motorcycle Riding Suspects (riding-in-tandem cases) ay bumaba mula 13 noong 2024, naging 12 noong 2025, at isa na lamang sa unang bahagi ng 2026, na nagpapakita ng pababang trend ngunit patuloy na binibigyang-pansin ng kapulisan.
Layunin ng Project I.M.B.U.D.O. na tugunan ang mga insidenteng ito sa pamamagitan ng mas mahigpit na police visibility at estratehikong operasyon sa mga pangunahing lansangan at entry at exit points ng mga bayan.
Sabay-sabay na ipinatupad ang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng Ikatlong Distrito gaya ng Tuguegarao City, at sa mga bayan ng Solana, Enrile, Peñablanca, at Iguig sa pangunguna ng kani-kanilang chiefs of police at area supervisors.
Naging katuwang ng kapulisan sa implementasyon ng proyekto ang Land Transportation Office, Highway Patrol Group, Barangay Peacekeeping Action Teams, Barangay Tanods, at Public Order and Safety Office, at mga kinatawan ng media na nakasaksi sa aktwal na operasyon.
Patuloy na isinusulong ng Cagayan PPO ang Project I.M.B.U.D.O. bilang bahagi ng mas pinalakas na kampanya para sa mas ligtas, maayos, at disiplinadong lansangan sa lalawigan ng Cagayan. Ang proyektong ito ay alinsunod sa hangarin ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: Cagayan Police Provincial Office



