Pinaiigting ng Police Regional Office 6 (PRO-6) ang pagbabantay sa mga modus ng pagnanakaw gaya na lamang ng “termite gang”, kasunod ng dalawang naitalang insidente ng parehong pagnanakaw sa lalawigan ng Iloilo.
Ayon kay Police Brigadier General Josefino D. Ligan, Regional Director, inatasan na niya ang lahat ng mga station commanders at mga tauhan sa buong rehiyon na mas palawakin pa ang kanilang mga monitoring sa iba’t ibang mga business establishments upang maiwasan ang mga posibleng pagnanakaw ng grupo.
“We have already been hit twice, and it should not happen the third time around,” pahayag pa ni PBGen Ligan sa isang press conference nito lamang Lunes, May 11.
Pinaalalahanan din ni PBGen Ligan na maaaring masibak sila sa kanilang mga puwesto sakaling may mangyari pang parehong insidente sa kanilang mga AOR.
“I am just giving a warning to the stations concerned that if this happens again within your area, although orders were already given to closely monitor these business establishments, no questions asked, you will be relieved from your position,” saad pa niya.
Samantala, hinimok naman ni PBGen Ligan ang lahat ng mga police station sa rehiyon na ipatupad ang lahat ng mga hakbang at estratehiya upang tiyak na maiwasan ang parehong mga insidente bilang bahagi ng hangarin ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”
Bukod pa rito, inatasan din ng pamunuan ng PRO6 ang lahat ng mga station commanders na makipag-coordinate sa lahat ng mga business owners at managers, upang agad nilang ma-report sa himpilan sakaling may mga namataang mga kahina-hinalang aktibidad gaya na lamang ng mga tunog ng paghuhukay, o parehong mga tunneling activities malapit sa kanilang mga establisimyento.



