Muling nakapagrekober ang pinagsanib na puwersa ng anti-narcotics ng Tinglayan Municipal Police Station katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency-Kalinga ng nasa Php7.6 milyong halaga ng mga marijuana sa isang tagong plantasyon sa eradication operation sa Barangay Loccong, Tinglayan ng nasabing lalawigan kamakailan lamang.
Ayon sa inisyal na ulat, nadiskubre ng mga awtoridad ang nasa 38,400 fully grown marijuana na nakakalat sa tinatayang 3,200 square meters ng bulubunduking lugar sa naturang barangay.
Bagama’t walang nadatnan ang mga awtoridad na mga cultivator sa lugar, patuloy pa rin itong nagsasagawa ng imbestigasyon at follow-up operations upang matukoy ang nagmamay-ari ng plantasyon maging ang mga indibidwal na nasa likod ng pagtatanim ng ipinagbawal na marijuana plants.
Tiniyak naman ng Philippine National Police sa ilalim ng pangangasiwa ni Police General Jose Melencio C Nartatez Jr., Chief, PNP, na magpapatuloy ang pulisya sa pagpapatupad ng mas pinalawak at mas pinaigting na operasyon kontra ilegal na droga katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan alinsunod sa adbokasiya ng “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman.”



