Patuloy na pinaiigting ng Police Regional Office 6 (PRO6) ang kampanya nito laban sa kriminalidad, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 11 wanted persons at sa matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga, loose firearms, at illegal logging sa loob ng 24-oras na operasyon mula 6:00 AM ng Hunyo 24 hanggang 5:59 AM ng Hunyo 25, 2026.
Sa kabuuang bilang ng mga naaresto, lima ang city/municipal-level wanted persons at anim ang iba pang wanted persons, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na kampanya ng PRO6 sa pagpapatupad ng mga warrant of arrest at pagpapanagot sa mga nagtatago sa batas.
Sa kampanya laban sa ilegal na droga, dalawang operasyon ang isinagawa na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang drug personalities at pagkakasamsam ng humigit-kumulang 12 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price (SDP) na PhP81,600.00.
Sa kampanya laban sa loose firearms, dalawang indibidwal ang naaresto at dalawang baril ang nakumpiska. Naitala rin ang boluntaryong pagsuko ng 14 na baril at anim na pampasabog, habang isang baril ang idineposito sa kapulisan para sa safekeeping habang hinihintay ang pag-renew ng lisensya nito.
Samantala, nagsagawa rin ang PRO6 ng 12 operasyon laban sa illegal logging na nagresulta sa pagkakaaresto ng tatlong indibidwal at pagkakarekober ng 876 board feet ng mga tabla na tinatayang nagkakahalaga ng PhP60,607.00.
Pinuri ni PBGen Randulf T. Tuaño, Acting Regional Director ng PRO6, ang patuloy na dedikasyon ng mga operating units sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.
“Hindi natatapos sa pagkakaaresto ang ating kampanya laban sa kriminalidad. Bawat operasyon ay nag-aambag sa mas ligtas na mga pamayanan, mas mataas na tiwala ng publiko, at mas matatag na pagpapatupad ng batas. Patuloy nating tutugisin ang mga wanted persons, pupuksain ang mga ilegal na gawain, at palalakasin ang pakikipagtulungan sa komunidad upang mapanatiling ligtas ang Western Visayas,” ani PBGen Tuaño.
Nananatiling matatag ang PRO6 sa pagpapatupad ng mga kampanya alinsunod sa bisyon ng Philippine National Police na Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman sa ilalim ng pamumuno ni Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, PNP.



