PRO6, magtatalaga ng halos 5,000 pulis sa rehiyon para sa ligtas at mapayapang SONA 2026

0
190
Screenshot

Ganap nang nakahanda ang Police Regional Office 6 (PRO6) sa pagtatalaga ng 4,826 personnel at force multipliers sa buong Western Visayas upang matiyak ang ligtas, mapayapa, at maayos na pagdaraos ng 2026 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Hulyo 27, 2026.

Sa kabuuang bilang, 3,905 ay mga tauhan ng Philippine National Police, 117 ang augmentation personnel mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection, habang 804 ang force multipliers mula sa mga advocacy group at community volunteers.

Ang mga itatalagang tauhan ay aasahan para magpatupad ng police visibility, foot at mobile patrols, traffic management, medical response, checkpoint at border control operations, at civil disturbance management. Nakaantabay din ang Quick Reaction Teams at Reactionary Standby Support Force upang agad na tumugon sa anumang insidente.

Magbibigay din ng seguridad sa mga Freedom Park, public assembly area, at iba pang lugar na inaasahang pagdarausan ng mga aktibidad kaugnay ng SONA.

Ayon kay Acting Regional Director, Police Brigadier General Randulf T Tuaño, nakatuon ang deployment sa pagpapanatili ng kapayapaan, pagprotekta sa publiko, at paggalang sa karapatan ng mga mamamayan.

“Ganap nang nakahanda ang PRO6 upang matiyak ang ligtas at mapayapang SONA 2026. Inatasan natin ang lahat ng ating tauhan na manatiling alerto, disiplinado, propesyonal, at handang tumugon sa anumang sitwasyon. Ang kaligtasan at seguridad ng publiko ang ating pangunahing prayoridad,” ani PBGen Tuaño.

Hinikayat din ni PBGen Tuaño ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga ipinatutupad na security measures, manatiling mapagmatyag, at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o sa Unified Emergency Hotline 911.

Sa pamamagitan ng komprehensibong paghahandang panseguridad, nananatiling matatag ang PRO6 sa paghahatid ng Responsive, Trusted, and Transformative Policing tungo sa mas ligtas na Western Visayas, bilang bahagi ng mantra ng pambansang himpilan na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman,” sa ilalim ng pamumuno ni PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr., Chief, Philippine National Police.

Leave a Reply