Nakapagtala ang Police Regional Office 4A (PRO 4A) ng makabuluhang pagbaba sa krimen kasabay ng pagpapaigting ng kampanya laban sa kriminalidad sa unang buwan ng pamumuno ni PBGen Dominic L. Baccay, Acting Regional Director. Sa press briefing noong Agosto 11, 2026, iniulat ang mga pangunahing accomplishment ng PRO 4A mula nang maupo si Baccay bilang regional director noong Hulyo 10.
Nakaangkla ang operasyon ng PRO 4A sa B.E.S.T. Policing Framework—Be Visible, Engage Immediately, Serve Together, and Transform Trust—na nagsisilbing gabay sa pagpapalakas ng police visibility, mabilis na pagtugon, pakikipagtulungan at pagpapatibay ng tiwala ng publiko. Nakaayon din ito sa Focused Agenda ni Chief PNP PGen Jose Melencio C. Nartatez Jr. at Safer Cities Initiative ng Department of the Interior and Local Government.
Sa loob ng unang buwan ng pamumuno ni PBGen Baccay, bumaba ng 27.18 porsyento ang Eight Focus Crimes sa rehiyon, mula 309 insidente tungo sa 225. Samantala, mula nang ipinatupad ang Safer Cities Initiative noong Abril 2026, nakapagtala ang PRO4A ng 51.54 porsyentong pagbaba sa crime incidents kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Pinaigting din ng PRO 4A ang pagtugis sa mga wanted persons at sexual offenders. Sa ilalim ng B.E.S.T. Strategies Against Sexual Offenders, 336 indibidwal ang naaresto, kabilang ang dalawang wanted sa mga kasong rape involving minors. Umabot naman sa 1,239 ang kabuuang wanted persons na naaresto, kabilang ang 450 Most Wanted Persons.
Sa kampanya kontra ilegal na droga, nakapagsagawa ang PRO 4A ng 923 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 1,195 drug personalities at pagkakasamsam ng 4,090.24 gramo ng shabu at 5,987.05 gramo ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng Php28.9 milyon. Samantala, 481 loose firearms ang na-recover, nakumpiska o isinuko, habang 135 indibidwal ang naaresto at 137 kaso ang naisampa. Narekober din ang Php39.9 milyong halaga ng smuggled petroleum products at Php4.6 milyong halaga ng iba pang smuggled items.
Ipinunto ni PBGen Baccay na nakamit ang mga accomplishment sa pamamagitan ng dedikasyon ng mga tauhan ng PRO 4A, suporta ng mga partner agencies at pakikipagtulungan ng mga komunidad. Patuloy namang nakatuon ang PRO 4A sa paghahatid ng mabilis, maagap at epektibong serbisyo upang mapanatiling ligtas ang CALABARZON, alinsunod sa adhikaing “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”
Source: PRO 4A



