Kinilala ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang mga natatanging pulis, kawani, at partner stakeholders sa ginanap na culminating program ng ika-31 Police Community Relations (PCR) Month noong Hulyo 31, 2026, sa PRO3 Multi-Purpose Hall, Camp Captain Julian Olivas, City of San Fernando, Pampanga.
Sa temang “Sa Bagong Pilipinas, Ugnayang Pulis at Mamamayan: Tapat, Maaasahan, at Nararamdaman ng Bayan,” binigyang-diin ng pagdiriwang ang mahalagang papel ng matatag na ugnayan ng kapulisan at komunidad sa pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at inklusibong pamamahala.
Pinangunahan ng panauhing pandangal na si Santa Rosa, Nueva Ecija Mayor Christopher F. Aguilar ang programa, kung saan kanyang binigyang-pugay ang dedikasyon ng mga pulis at mga katuwang ng PRO3 sa paghahatid ng serbisyong may integridad at malasakit.
Tampok din sa programa ang paggawad ng mga parangal sa mga commissioned at non-commissioned police officers, civilian personnel, at iba’t ibang tanggapan at yunit ng PRO3 bilang pagkilala sa kanilang natatanging ambag sa pagpapatupad ng mga programang Police Community Relations sa buong Gitnang Luzon.
Pinarangalan din ang iba’t ibang partner stakeholders na patuloy na nakikipagtulungan sa PRO3 sa pagpapatupad ng mga programang pangkomunidad. Ang kanilang suporta ay naging mahalagang salik sa pagpapalakas ng pakikilahok ng mamamayan, pagpapalalim ng tiwala sa kapulisan, at pagpapaigting ng sama-samang responsibilidad sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Sa buong buwan ng Hulyo, pinangunahan ng Regional Community Affairs and Development Division sa ilalim ng pamumuno ni PCol Ferdinand D. Germino ang iba’t ibang makabuluhang aktibidad, kabilang ang community outreach programs, bloodletting at medical missions, environmental initiatives, stakeholder dialogues, youth engagement, public information campaigns, at iba pang gawaing nagtaguyod ng kooperasyon ng komunidad at aktibong pakikilahok ng publiko sa crime prevention at public safety.
Sa pagtatapos ng pagdiriwang, muling pinagtibay ng PRO3 ang pangako nitong patuloy na palalimin ang pakikipag-ugnayan sa mamamayan at isulong ang people-centered policing bilang pundasyon ng mas ligtas, mas matatag, at mas maunlad na Bagong Pilipinas.



