PRO CAR, pinahusay ang kakayahan ng mga pulis sa cybercrime investigation

0
60

Patuloy na pinahuhusay ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ang kakayahan ng mga miyembro nito sa pagsisiyasat at pagtugon sa mga kasong may kaugnayan sa cybercrime sa pamamagitan ng specialized training. Dumalo si PRO CAR Regional Director PBGen Noel B. Vallo sa closing ceremony ng tatlong araw na Specialized Training Workshop on Cyber Investigation Techniques: Strengthening Digital Evidence Documentation, Technical Analysis, and Incident Reporting na ginanap sa Paragon Hotel, Baguio City, noong Nobyembre 12, 2026.

Ang pagsasanay ay inisyatiba ng Department of Information and Communications Technology-Cordillera Administrative Region (DICT-CAR), na nakatuon sa pagpapalawak ng teknikal na kaalaman at investigative skills ng mga pulis, partikular sa wastong pagdodokumento, pangangalaga, at pagsusuri ng digital evidence, gayundin sa paghahanda ng tumpak at mapagkakatiwalaang incident reports.

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni PBGen Vallo ang mga nagsipagtapos na isabuhay at gamitin ang kanilang mga natutunan sa kani-kanilang tanggapan, palakasin ang umiiral na mga pamamaraan ng imbestigasyon, at patuloy na paunlarin ang kanilang teknikal na kakayahan upang makaagapay sa patuloy na pagbabago ng mga pamamaraan ng cybercrime.

“Ultimately, our objective is not merely to collect digital information but to transform reliable findings into credible evidence that can support effective law enforcement operations and the administration of justice” (Sa kabuuan, hindi lamang nakatuon ang ating layunin sa pangangalap ng digital na impormasyon, kundi higit sa lahat, sa pagbuo ng matibay at mapagkakatiwalaang ebidensiya mula sa mga nakalap na datos upang maging batayan ng epektibong pagpapatupad ng batas at paghahatid ng katarungan), ani PBGen Vallo.

Nakiisa rin sa aktibidad ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensiya, kabilang ang Presidential Assistant for Northern Luzon ASEC Ana Carmela V. Remigio, Philippine Army, NICA-CAR, RACU-CAR, CICC, at DICT.

Ipinakikita ng pagsasanay ang patuloy na pagsisikap ng PRO CAR na magkaroon ng mas handa, mahusay, at teknikal na may kakayahang kapulisan upang matugunan ang mga cyber-related offenses at iba pang umuusbong na uri ng kriminalidad, alinsunod sa adhikain ng PNP na “Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman.”

Source: PRO CAR (https://www.facebook.com/share/p/14xy8nCZq8t/)

Leave a Reply